Tuesday, July 27, 2010

Ang Mundo at ang Unang Tao (Kaalamang- Bayan)

Sa Simula, wala pang daigdig at ni wala pang tao. Mayroon lamang kalangitan at karagatan. Magsinlawak at nagkakatawanan sila pagkat magkatapat . Walang tanging nilalang na nakapagitan sa kanila kundi isang ibon, ang mandaragit.

Walang sandaling di lumilipad ang mandaragit. Pagkat wala ngang tigil sa pagsalimbay sa himpapawid, nainip na rin ang ibon. Ang gayong pagkainip ay nagpakilalang isang tanda ng pagkapagod. Wala naming masilungan ang mandaragit. Pagtanaw niya sa itaas, naroon ang langit, subalit di naman niya maabot iyon at walang mapangunyapitan.

“Ano ang magagawa ko? Mayroon akong mga kuko ngunit walang mapaggamitan!” himutok ng mandaragit.

Tinanaw niya uli ang langit at dagat. Kapwa walang tinag ang dalawa. Sa gayon, nag-isip ng gagawin ang mandaragit. Paano niya matitinag ang dalawa?

Ang ginawa ng ibon ay sumisid at kumahig sa tubig; nadama niyang nagkaroon ng kabuluhan ang kanyang mga kuko.

Mabilis at walang patid ang kanyang pagkahig na ikinasabog nang papataas ng tubig.

Nanghilakbot ang langit. Kapag hindi tumigil ang mandaragit, natitiyak niyang aabot sa kanyang dibdib ang tubig-alat. Malamang na hindi rin maampat ang dagat pag nasimulan na itong galitin ng mandaragit kayat kinakailangan niyang gumawa rin ng paraan para iyon ay matigil.

Sa gayon, naisip ng langit na humabi ng bato sa kanyang mga ulap at ibinagsak iyon sa dagat upang tumigil na ito sa galit na ginising ng ibong mandaragit.

Saka inatasan ng langit ang ibon: “Diyan ka lalapag. Diyan ka magtatayo ng iyong pugad na siya mong magiging tahana. At huwag mo na kaming gambalain ng dagat.”

Dumapo nga ang ibon sa isang batong pulo. At di-naglaon, may natanaw naman siyang lumulutang sa dagat.

Naisip ng ibon na kasama iyon sa ibinagsak ng langit. Ngunit ang lumulutang na iyon ay naitaboy ng alon, sumagi sa kanya at siya’y nasaktan.

Nagalit ang ibon. Sa poot ay tinuka nang tinuka ang putol na kawayan na may dalawang biyas.

Nang mabiyak dahil sa katutuka niya ang kawayan, lumitaw ang lalaki sa unang biya at ang babae sa ikalawang biyas.

Sila ang mga unang magulang ng tao na namuhay sa daigdig.

No comments:

Post a Comment