Tuesday, July 27, 2010

Ang Tindera
ni Alma Dayag

Masipag na tindera si Aling Flor. Madaling-araw pa’y nasa Divisoria na siya upang mamakyaw ng mga paninda.Kasa-kasama niya ang labinlimang taong gulang na anak na si Vangie. Dadalawa na sila sa buhay sapagkat yumao na ang kanyang asawa nang limang taon pa lang si vangie. Hindi halos makandadala ang mag-ina sa pagbuhat ng mga pinakyaw na gulay at prutas na ibebenta naman nila sa talipapang malapit sa kanila.

Bago pa mag-alas siyete ng umaga ay nakabalik na ang mag-ina. Maghahanda na si Vangie sa pagpasok sa kalapit na paaralan kung saan siya ay nasa ikatlong taon sa hayskul samantalang si Aling Flor naman ay diretso na sa talipapa kung saan iaayos na ang kanyang mga paninda. Kahit paano’y kumikita naman nang sapat sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ang mag-ina. Bagama’t kung may ibang pagkakagastusan tulad ng matrikula ni Vangie ay talagang kinakapos at nangangailangan pa ng ibayong pagtitipid upang maipon ang pambayad sa paaralan.

“Gulay. . . prutas. . . Suki, bili na kayo. . .” sigaw ni Aling Flor habang panay ang puna sa pawisang noon na noon ay tinatamaan na ng papatinding sikat ng araw. “Mukhang matumal ang benta, Mare,”baling nito sa katabing tinderang si Aling Feliza. “Magbabayad pa naman kami ng matrikula ni Vangie sa susunod na lingo,” himutok pa nito.

Ngingiti-ngiti lang si Aling Feliza. Alam niyang hirap na hirap si Aling Flor sa pagtataguyod sa pag-aaral ng anak nitong si Vangie. Matagal na silang magkaibigan at magkumare kaya’t nagmamalasakit din naman siya sa kaibigan lalo pa at inaanak niya si Vangie.”Mare, ikaw lang, eh! Di ba tinuruan na kita ng paraan kung paano kumita nang mas malaki?” may himig paninisi si Aling Feliza.

Hindi kumibo si Aling Flor. Totoo ang sinasabi ng kanyang kaibigan. Bagama’t pareho silang tindera ng prutas at gulay sa talipapa ay mas nakagiginhawa sa buhay si Aling Feliza. Hindi ito kinakapos kahit pa dalawa ang pinag-aaral na anak. Ang panganay ngang si danilo na magtatapos na ng dalawang taong kurso sa computer ay nagbabalak mag-abroad. Sa kasalukuyan ay ito ang pinaghahandaan ni Aling Feliza. Napakalaki ng hinihinging placement fee para sa pag-aabroad ng anak subalit desidido siyang igapang ang halagang ito para lang makaalis ang anak.

“Madali lang naman, Mare,” susog ni Aling Feliza. “Nakita mo bang hindi pa naman ako nabubulilyaso sa tagal ko ng ginagawa ito. Itong timbangan ko ay naka-adjust para ang dapat na isang kilo ay lumalabas na kulang na kulang sa isang kilo. Konting utak lang ang kailangan, Mare,”

Nakangisi pa ito habang sinasabayan ang pagsasalita ng hitit sa sigarilyong nakasumpal sa bibig.

Hindi maatim gawin ni Aling Flor ang ginagawa ng kumara. Hindi lang pandaraya sa timbangan ang raket ng kaibigan. Mabilis din ang kamay nito sa paghahalo ng ilang bulok na prutas o gulay kapag nalingat ang mamimili. Minsan naman ay sa pagsusukli ito nandaraya. Tinitiklop ang ilang perang papel at bibilangin sa harap ng bumibili na animo’y tama sa bilang. Huli na kapag nadiskubre ng mamimili na kulang ng sampung piso o dalawampung piso ang kanyang sukli.

“Magkano po ang isang kilong lansones?” ang pagmumuni-muni ni Aling Flor ay binasag ng tanong ng isang mamimili. “Kwarenta po, ma’am. Matamis po iyan, sige, libre tikim,” sabay abot sa isang pirasong lansones sa mamimili. Iyon naman ang lamang ni Aling Flor kay Aling Feliza.Makarinyo ito sa mga mamimili at mabait pa sa mga humihingi ng paisa-isang dagdag. Marami siyang suki at kung hindi lang talagang mahal ang mga bilihin kaya’t dir in siya makapagpatong nang masyadong malaki ay hindi rin sana sila gaanong magigipit.

Tanghali na at medyo marami-rami na rin ang benta ng magkaibigan nang dumating si Vangie dala ang tanghalian ng ina. Dumating din ang bunsong anak ni Aling Feliza na si Karen. Kumain ang magkumare sa isang sulok ng kanilang papag na lalagyan ng paninda habang ang dalawang dalagita muna ang nagbantay sa paninda ng kani-kanilang mga ina. Pagbukas ni Aling Flor sa baunan ay umalingasaw ang hindi maitagong amoy ng pritong tuyo. May kasama itong hiniwang kamatis na may bagoong alamang. Si Aling Feliza naman ay may sinigang nab angus. May dalawang piraso pa ng hinog na mangga at isang malamig na bote ng soft drink bilang panulak. Inalok ni Aling Feliza ang kaibigan at Masaya silang nagsalo sa pananghalian.

“Nay, bukas na po ng bayaran naming ng tuition,” paalala ni Vangie nang pauwi sila minsan galing sa pag-angkat ng prutas at gulay sa Divisoria.”Hindi ko nakakalimutan, Anak. Sa katunaya’y napag-ipunan ko na ito.” Nakangiting sagot ni Aling Flor. “Medyo nagtipid-tipid lang tayo nang konti subalit nakaraos naman at napag-ipunan ang buwanang tuition mo.”

1

Napatingin si Vangie sa ina,\. “Sobra-sobra na po ang hirap n’yo makapag-aral lamang ako. Huminto na lang po muna kaya ako sa pag-aaral para sa mas makatulong sa inyo,” sabi nito.

“Anak, nangangarap ako ng magandang bukas para sa iyo. Gusto kong makatapos ka ng pag-aaral at maiba ang buhay mo upang hindi mo na danasin ang hirap na nararanasan natin ngayon,” seryosong pahayag ni Aling Flor. Hindi na kumibo si Vangie. Bata pa siya’y lagi na niyang naririnig sa ina ang pangaral na iyon.

Patuloy ang yapak na pamumuhay ng mag-ina. Sa kabila ng paghihikahos ay hindi pa rin natutukso si Aling Flor na gawin ang mga pandarayang iminumungkahi ni Aling Feliza. Hanggang sa dumating ang sandaling magtatapos ang anak sa hayskul at mangailangan siya ng malaki-laking halaga para sa mga gastusin sa pagtatapos nito gayundin sa inaasahang mas malaking matrikula sa pagpasok sa kolehiyo.

“Mukhang litung-lito ka, Mare, may problema ba?”tanong ni Aling Feliza sa kaibigang halatang tuliro. Binanggit ni Aling Flor ang kanyang problema.”Sabi ko naman sa iyo, madali iyan.Mamayang gabi, pupunta ako sa inyo upang ayusin natin ang iyong timbangan. Tuturuan din kita ng paraan kung paano magagawang maliksi ang kamay sa panunukli,” sabay kindat at tumalikod na ito upang harapin ang pagbebenta.

Kinagabihan nga ay dumating sa munting tahanan ngg mag-ina si Aling Feliza. May dala itong ilang gamit na ipinampihit sa timbangan upang magmukhang eksakto bagama’t kulang naman ang timbang ng anumang panindang ilagay rito.”Kinakabahan ako, Mare. Tama ba ang ginagawa natin? Di ba’t panloloko ito?”halata ang kaba kay Aling Flor.

“Ku. . . ikaw ba’y napakanerbiyosang tao. Ilang taon ko nang ginagawa ito. Sa totoo’y napag-ipunan ko na nga ang placement fee ni Danilo. Halos isandaang libong piso, Mare. Mantak mong. . . saan ko naman kukunin ang ganoon kalaking halaga kung ‘di ko ‘to ginawa.” Napapalatak pa ito sa pagkukuwento.

Itinuro rink ay Aling Flor ang tamanng paraan ng pandaraya sa panunukli. Nang gabing iyon ay halos hindi makatulog ang huli.Kung hindi lang mahigpit ang pangangailangan niya’y hindi niya ito gagawin. Mag-uumaga na nang makatulog si Aling Flor, pagkatapos niyang magdasal at humingi ng tawad sa Diyos sa pandarayang kanyang isasagawa mula bukas.

Kinabukasa’y matamlay si Aling Flor sa pagsasalansan ng kanyang mga paninda. Nakahanda na ang kanyang may dayang timbangan.Nanlalamig man ang mga kamay ay handa na rin siyang mandaya sa panunukli. Subalit, kataka-takang patanghali na’y ni wala pa siyang buwena mano. Parang hindi interesadong bumili ng prutas at gulay ang mga suki niya ngayon. Nahahalata kaya nila ang binabalak niyang pandaraya?

Mayamaya’y dumating si Danilo, ang panganay na anak nbuwangi Aling Feliza. Namumutla ito at mukhang tulirong-tuliro. May ibinulong ito sa ina at narinig na lamang sa buong talipapa ang malakas na hiyaw ni Aling Feliza kasabay nang bigla nitong pagtimbuwang. Nagkagulo ang iba pang mga tindera sa pagtulong sa kasamang nahimatay. May nagpaypay, may kumuha ng tubig.Hindi nagtagal at nahimasmasan din si Aling Feliza. Panay ang hagod ni Danilo sa noon ng ina. Kitang-kita ang pag-aalala nito sa kalagayan ng niya.

Walang tigil sa kaiiyak si Aling Feliza kaya’t nagdesisyon si Flor na magsara na muna ng tindahan total ay wala naman gaanong namimili upang maiuwi muna ang kaibigan sa bahay nito. Nang nasa bahay na sila’y wala pa ring puknat sa pag-iyak ang kaibigan. Sa kapipilit ni Flor ay nagsalita rin ito. “Hay, Mare. . . Ang placement fee na pinag-punan ko nang kay tagal, wala na. . .

hu-hu-hu!” hindi halos mawawaan ni Flor ang sinasabi nito dahil sa bunghalit ng pag-iyak.

“Ano? Ano ang mawawala?At bakit nawala?” sunud-sunod na tanong nito sa kaibigan.

“Ang walanghiyang recruiter, manloloko pala! Illegal recruiter ang nalapitan ni Danilo. Tinangay ang perang pinaghirapan kong ipunin. Wala na ang isandaang libo ko… Wala na !!!” at muling hinimatay si Aling Feliza sa matinding sama ng loob.

Nang gabing iyon, habang nakaluhod si Flor sa harap ng altar ay hindi niya mapigil ang pagtulo ng kanyang luha. Mabait pa rin sa kanila ang Diyos. Hindi siya hinayaang makapandaya at magkasala. At ang pinakamagandang handog na natanggap nilang mag-ina ay ang sulat na isinalubong sa kanya ni Vangie nang umuwi siya sa bahay. Walang pagsidlan sa galak ang anak habang binabasa ang nilalaman ng liham. “Malugod naming ipinababatid sa iyo ng aprubado ng Board of Trustees ang pag-aaplay mo bilang isang iskolar sa aming paaralan. Ginagawaran ka ng full scholarship para sa apat na taon mong pag-aaral. An gaming pagbati. . . “Tunay nga, kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.

No comments:

Post a Comment